#TPNEWS
SPU Manila, nakiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika
ni Sherly Mae Traifalgar | Setyembre 17, 2021
Sa pamamagitan ng isang birtwal na programa, nakiisa ang St. Paul University Manila (SPU Manila) sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang “Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.” Ginanap ang selebrasyon noong Agosto 31, 2021 at ipinalabas sa Facebook page ng The Paulinian.
Ang bating pagtanggap mula kay Gng. Elmgay Valeriano, taga-pangasiwa ng Tanggapan ng Kapakanan at Kagalingan Pangmag-aaral, ang naging pambungad sa programa. Sinundan ito ng pagpapaliwanag ng tema ng pagdiriwang ni Gng. Eva R. Navarro.
“Alalahanin natin na anumang wika ay mahalagang kasangkapan sa komunikasyon kaya ’di nararapat na maliitin ang ating mga katutubong wika at ang mismong ating sariling wika,” paalala ni Gng. Valeriano.
Sinimulan ang mga pagtatanghal ng isang awiting bayan sa pangunguna ng mga piling mag-aaral mula sa Kolehiyo ng Musika at Pagtatanghal. Isang katutubo at modernong sayaw naman ang itinanghal ng Kolehiyo ng Pangangalakal at Pamamahala at Paulinian Dance Troupe. Samantala, ang Kolehiyo ng Edukasyon at Kolehiyo ng Sining at Agham ay nagbahagi ng isang tula.
Ang maikling pelikulang likha ng Kolehiyo ng Narsing, Tanghalang St. Paul, RED Management, at Red Cross Youth Council ang nagwakas sa mga pagtatanghal para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
Pagkatapos ng mga pagtatanghal, nagbigay ng pampinid na pananalita si Bb. Ryan Rivera, Pangulo ng Konseho ng Kolehiyo ng Edukasyon. Ipinaabot niya ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng mga naging bahagi ng nasabing pagdiriwang.
“Sa ngalan ng Kolehiyo ng Edukasyon, taos-pusong pasasalamat sa lahat ng nakiisa, tumulong, at sumuporta sa ating pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong taon… Mabuhay ang sambayanang Pilipino! Lagi’t lagi para sa bayan at para sa bata.”
Naipakita rin sa naging programa ang inorganisang community pantry ng SPU Manila at ang bersyon ng Paulinian Liturgical Animators ng “Humayo’t Ihayag” ng Bukas Palad Ministry.